Simula ngayong Miyerkules, May 8, ay ipatutupad na sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City ang adjusted learning modality bunsod pa rin ng patuloy na pag-iral ng mataas na heat index.
Alinsunod na rin ito ng inisyung memo ng QC Schools Division Office (SDO).
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, sisimulan na ang limited face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa oras na ang heat index forecast ay umabot sa 40 degrees Celsius pataas.
Paliwanag ng alkalde, magbibigay ito ng pagkakataon sa mga estudyante para makumpleto ang kanilang mga year-end activities gaya ng performance tasks at final examinations lalo ngayong patapos na rin ang school year.
“This will give public school students ample time to complete their essential year-end activities like performance tasks and final examinations, especially now that classes are winding down.”
Sa ilalim nito, ay inaatasan ang school administrators at principals na gumawa ng iskedyul para sa mga mag-aaral na idedepende sa kapasidad ng kanilang classroom.
Kaugnay nito, paiiralin naman ang full face-to-face classes kung ang heat index ay mas mababa sa 39 degrees Celcius.
“In case there’s a declaration of suspension by the Department of Education or the national government, we will implement asynchronous/synchronous mode,” ani Belmonte.
Ayon naman sa QC SDO, ipinauubaya pa rin sa mga magulang ang desisyon kung papapasukin nila ang kanilang mga anak.
“If a child has a health condition or if the parents think that sending the kid to school poses health risks, the school should be informed,” paliwanag ni QC SDO Superintendent Carleen Sedilla. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸: QC LGU