Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang mareresolba sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagpatay sa isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) Central Office noong isang linggo.
Ayon sa PNP, ito ay matapos masakote ang suspek sa krimen na nakilala matapos mahulog ang beltbag nito kung nasaan ang OR/CR ng kaniyang motorsiklo.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Randy” nang masukol ito ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng Quezon City Police District (QCPD).
Gayunman, sinabi ni Fajardo na iniimbestigahan pa ang motibo sa krimen kung ito ba’y may kinalaman sa trabaho o personal na alitan at kung ang suspek ay miyembro ng Gun For Hire group.
Magugunitang nasawi matapos pagbabarilin ng suspek na sakay ng motorsiklo ang Chief ng Registration Section ng LTO Central Office na si Mercedita Gutierrez habang nakasakay sa kaniyang SUV sa Brgy. Pinyahan sa Quezon City noong Biyernes. | ulat ni Jaymark Dagala