Kabuuang P580 million na halaga ng serbisyo at tulong pinansyal ang dala ng ika-16 na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Zamboanga City na pakikinabangan na 111,000 benepisyaryo.
Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang paglulunsad ng BPSF kasama ang 85 miyembro ng Mababang Kapulungan.
“Hatid ng BPSF ang direktang serbisyo mula sa gobyerno patungo sa mga mamamayan. Mismong ang pamahalaan na ang pupunta sa lalawigan ninyo, hindi niyo na kailangang maglakbay at gumastos para pumunta sa mga sentro sa probinsya para makakuha ng serbisyo at ayuda. Ito ang pagsasabuhay ng mga hangarin ni Pangulong Marcos Jr. para sa mamamayang Pilipino, ang makakuha ng direktang serbisyo dahil ang pamahalaan ang pupunta sa kanila. This is the very essence of inclusive development and responsive governance,” sabi ni Speaker Romualdez.
Dala ng BPSF ang 417 government services at cash payout mula sa higit 40 ahensya ng pamahalaan, na siyang pinaka una sa Region 10.
Nasa P252 million dito ay sa ilalim ng AICS para sa 67,311 na benepisyaryo habang mayroon ding ipinamahaging 355,000 kilos ng bigas.
Mayroon ding 3,000 SIBOL beneficiaries na nakatanggap ng tig-P5,000 at tig-5 kilo ng bigas.
Ang 3,000 mag-aaral din ay nakatanggap naman ng tig-P2,000 at bigas sa ilalim ng ISIP for the Youth program.
Ang tulong pinansyal nila ay matatanggap kada anim na buwan. | ulat ni Kathleen Forbes