Walang nakikitang problema ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdaan ng 4 na barkong pandigma ng China sa karagatan malapit sa Tawi-Tawi.
Ito ang inihayag ng AFP matapos na kumalat ang mga larawan at video ng apat na People’s Liberation Army Navy vessels ng China sa Sibutu passage sa naturang lalawigan kamakailan lang.
Ayon sa AFP Western Mindanao Command, ang presensya ng mga barko ng China ay “innocent passage” lamang sa naturang lugar.
Batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea, ang pagdaan ng dayuhang barko sa karagatang sakop ng teritoryo ng isang bansa ay maikokonsiderang “innocent” basta’t hindi ito nakakagambala sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng bansang may hurisdiksyon sa isang lugar.
Kasabay nito, tiniyak ng Sandatahang Lakas na hindi sila nagpapabaya sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga mamayang Pilipino at ang lahat ng teritoryong nasasakupan ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of Nakim Nuruddin Nakano