Itinuturing na “generally peaceful” ng Philippine National Police (PNP) ang takbo ng mga aktibidad kahapon kaalinsabay na rin ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa o Labor Day.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo batay sa maghapong pagbabantay nila sa mga aktibidad sa buong bansa gaya ng mga kilos protesta, jobs fair, at iba pa.
Maliban na lamang ayon kay Fajardo ang insidente ng girian sa pagitan ng mga pulis at demonstrador sa harap ng US Embassy sa Maynila na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na militante.
Ang mga ito ay ipinagharap ng reklamo dahil sa paglabag sa Articles 148 at 151 ng Revised Penal Code o Direct Assault to Persons in Authority and in Uniform.
Batay sa inisyal na ulat ng PNP sa National Capital Region pa lamang, aabot sa humigit kumulang 1,000 obrero at militante ang nagsagawa ng mga programa partikular na sa Welcome Rotonda, Raja Sulaiman Park, Liwasang Bonifacio, at Quirino Grandstand. | ulat ni Jaymark Dagala