Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang paglipat sa City Prosecutor o sa Metro Manila ng Preliminary Investigation sa limang suspek, kabilang ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay kay Captain Rolando Moralde sa Parang, Maguindanao del Norte.
Ito’y matapos ipag-utos ng Provincial Prosecutor ng Maguindanao de Norte noong May 7 ang pagpapalaya kay Police Master Sergeants Aladdin Ramalan at Shariff Balading, dahil umano sa ginawang “warrantless arrest” sa dalawang pulis at kakulangan ng isinumiteng ebidensya.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, nilinaw ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, na hindi inaresto kundi kusang sumuko ang dalawang pulis.
Binigyang-diin pa ni Fajardo na “properly documented” ang naturang pagsuko kung saan tumestigo pa ang kapatid na babae ng isa sa mga suspek; at isinumite ng PRO-BAR ang CCTV footage kung saan kitang-kita ang pamamaril ng dalawa sa biktima.
Alinsunod sa utos ng prosecutor, pinalaya ang dalawang pulis noong May 8 pero naglabas ng direktiba ang PRO-BAR noong May 10 na naglagay sa dalawang pulis sa Restrictive Custody sa PRO-BAR headquarters.
Kasalukuyan pa ring hinahanap ang tatlo pang at large na suspek sa kaso. | ulat ni Leo Sarne