Nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi demosyon o parusa ang paglipat ng pwesto ni dating AFP Western Command (Wescom) Chief Vice Admiral Alberto B. Carlos.
Ito’y matapos na kumpirmahin ni Padilla na ni-reassign si VAdm. Carlos sa Support Command sa General Headquarters sa Kampo Aguinaldo sa ilalim ng superbisyon ng AFP Chief of Staff.
Si Carlos ay pinalitan ni Rear Admiral Alfonso Torres Jr., na nagsimulang magsilbi bilang acting Wescom Chief noong Mayo 6 matapos mag leave of absence si Carlos.
Paliwanag ni Padilla, dahil sensitibong pwesto ang Wescom Chief, kinailangang magtalaga ng full-time na kapalit habang nag-extend ng leave si Carlos.
Dagdag ni Padilla, normal lang sa AFP ang maglipatan ng pwesto, at inaasahan ang lahat ng mga opisyal na gumanap ng iba’t ibang papel.
Maalalang, nauna nang nasangkot ang pangalan ni Carlos sa isyu ng umanoy “new model agreement” ng Pilipinas at China sa Ayungin Shoal. | ulat ni Leo Sarne