Welcome para sa Department of Energy (DOE) ang approval ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagpapalawig ng tax breaks para sa mga electric at hybrid vehicles na nasa ilalim ng Executive Order No. 12 na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sang-ayon sa EO No. 12 ay magkakaroon ng pagbabawas ng taripa para sa mga electronic vehicles sa bansa hanggang sa 2028 pero sa bagong pag-apruba ng NEDA ay makakasama na ngayon dito ang mga two at three-wheeled battery electric vehicles, hybrid electric vehicles, at plug-in electric vehicles.
Ibig sabihin sakop ng nasabing expansion ang mga e-motorcycles, e-bicycles, e-tricycles, at PHEV jeepneys o buses.
Layunin nito na gawing mas abot-kaya at accessible ang mga electric at hybrid na sasakyan sa publiko upang himukin ang mga ito sa paglayo sa paggamit ng fossil fuels at mabawasan ang greenhouse gas emissions.
Binigyang diin naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla na sa pamamagitan ng pagpapalawig pa ng mga insentibo tulad nito ay mapapalaki pa ang industriya ng electric vehicle sa bansa na alinsunod sa Comprehensive Roadmap for Electric Vehicle Industry ng Pilipinas kung saan target ang aabot sa 7,300 charging stations at higit sa 300,000 e-vehicles pagsapit ng 2028.
Sa kasalukuyan, may 7,515 e-vehicles na ang nakarehistro sa Pilipinas habang may 563 registered charging points naman ang naitala sa buong bansa.| ulat ni EJ Lazaro