Isusulong ng militar ang pagtatayo ng surface at air radar sa Mavulis island para ma-secure ang Hilagang karagatan ng bansa.
Isa ito sa mga natalakay sa pag-inspeksyon ni Philippine Air Force (PAF) Chief, Lt. General Stephen Parreño at Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lt. General Fernyl Buca sa Naval detachment Mavulis sa Batanes noong Miyerkules.
Layon ng inspeksyon na I-asses ang situasyong panseguridad sa pinaka-hilagang teritoryo ng bansa at matukoy ang mga kakulangan sa “maritime domain awareness”.
Kapwa tinukoy ni Lt. Gen. Parreño at Lt. Gen. Buca ang kahalagahan ng agarang pag-kumpuni at pagtatayo ng mga mahahalagang pasilidad sa Naval Detachment Mavulis, kabilang ang helipad.
Bilang bahagi ng pagbisita sa lalawigan, nag-courtesy call din ang dalawang opisyal kay Batanes Governor Marilou H. Cayco, kung saan tiniyak ng militar ang kanilang commitment na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para maitaguyod ang regional security. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of NOLCOM