Pansamantalang naka-shutdown ang mga pangunahing online services ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, ito ay habang nagsasagawa ng pagtaya sa seguridad ng computer data ng PNP.
Kasama sa mga apektado ang mga online services ng Firearms and Explosives Office (FEO), Directorate for Logistics Data Management System, National Police Clearance system, at ilan pang tanggapan ng PNP.
Sinabi ni Fajardo na sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon kung nagkaroon ng data breach sa FEO at Logistics Data Management Office.
Sinabi ni Fajardo na ang mga serbisyo ng mga apektadong tanggapan ay available pa rin sa mga Regional Office ng PNP at sa Camp Crame habang isinasagawa ang assessment at pagpapatupad ng mga cybersecurity upgrade.
Tiniyak ni Fajardo na maibabalik din sa loob ng isang linggo ang mga apektadong online service ng PNP. | ulat ni Leo Sarne