Muling nagpatupad ng panibagong balasahan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa matataas na opisyal nito.
Batay sa inilabas na General Orders ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na epektibo bukas (May 8, 2024), ililipat ang mga sumusunod na opisyal:
Mula sa Special Action Force (SAF), itinalaga si Police Major General Bernard Banac bilang pinuno ng Directorate for Police Community Relations (DPCR).
Papalit kay Banac sa SAF si Southern Police District (SPD) Director, Police Brigadier Gen. Mark Pespes na papalitan naman ni Police Colonel Leon Victor Rosete.
Habang si PBGen. Dindo Reyes ay itinalaga sa PNP Retirement and Benefits Service (PRBS) mula sa Directorate for Comptrollership (DC).
Una nang sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na normal lamang ang rigodon sa hanay ng matataas na opisyal ng pulisya para mapunan ang mga mababakanteng puwesto ng mga magreretiro na.
Gayundin ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal na maipamalas ang kanilang husay sa mga posisyong ibibigay sa kanila. | ulat ni Jaymark Dagala