Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pinuno at miyembro ng kilabot na Warla Kidnapping Group sa Brgy. Tetuan, Zamboanga City
Batay sa ipinarating na ulat kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Leo Franciso, kinilala ang lider ng grupo na si alyas “Mikey” at kasamahan nitong si alyas “Nilben” sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong Kidnapping for Ransom with Serious Illegal Detention.
Matatandaan na nasangkot ang grupo sa pagdukot ng mga foreign national kung saan pinakahuli dito ang isang Taiwanese na nasagip noong September 2022 sa Parañaque na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng lima nilang myembro.
Ayon sa CIDG, ang Warla Group ay binubuo ng mga magagandang transgender women na nambibiktima ng kanilang mga nakaka-date para pagnakawan.
Matapos nito ay hinihingan ng mga suspek ang pamilya at kaibigan ng mga biktima ng pera kapalit ng kanilang kalayaan.
Dagdag pa ng CIDG, nag-o-operate ang Warla Group sa katimugang bahagi ng Metro Manila na ang mga target kadalasan ay empleyado ng POGO at mga negosyante.
Ayon pa sa CIDG, ginagamit naman ng grupo ang mga pera na kanilang nakukuha sa sex reassignment surgery o sex change. | ulat ni Jaymark Dagala