Makikipag-coordinate ang Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa seguridad sa possibleng pag-deport kay dating Congressman Arnolfo Teves Jr. pabalik ng Pilipinas mula sa Timor Leste.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo na ito ay “contingency measure” lang kung sakaling kakailanganin ng tulong ng NBI, na siyang lead agency sa pagpapabalik sa bansa kay Teves.
Paliwanag ni Fajardo, dahil sa “high profile” ang kaso ni Teves, normal lang na paghanadaan ng PNP ang pagbibigay ng “security assistance” kung ito ay i-request.
Kabilang aniya sa paghahanda ang possibleng pag-detain kay Teves sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng pamahalaan ang desisyon ng Timor Leste sa deportation ni Teves na inaresto sa naturang bansa noong Marso base sa Red Notice na inilabas ng International Criminal Police Organization.
Si Teves ang pinaghihinalaang mastermind sa pamamaril kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 2023. | ulat ni Leo Sarne