Nanindigan ang Philippine National Police na sinunod nila ang proseso sa pag aresto kay Gerard Yu, ang suspek sa pagbaril at pagpatay kay Aniceto Mateo sa insidente ng “road rage” sa EDSA-Ayala tunnel noong Martes.
Ito ang binigyang diin ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo matapos lumabas ang pagdududa ng ilan na mababasura lamang ang mga kasong isinampa laban dito dahil sa warrantless arrest.
Paliwanag ni Fajardo, makaraan ang insidente nuong Martes, agad na nagkasa ng manhunt operation at follow-up investigation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip kay Yu noong Miyerkules ng umaga.
Una nang idineklara ni Fajardo na “solved” na ang kaso matapos mag-positibo si Yu sa paraffin test, at mag-match ang basyo ng bala na ginamit sa krimen sa isa sa dalawang baril na narekober sa kanya.
Kanina, isinalang na sa inquest proceedings si Yu na nahaharap sa kasong Murder, paglabag sa RA 4136 dahil sa paggamit nito ng ilegal na plaka sa itim na Mercedes Benz na sangkot sa insidente, at RA 10591 dahil sa pagdadala ng baril na walang Permit to Carry Firearms outside of residence o PTCFOR. | ulat ni Leo Sarne