Kinumpirma ni Phil. Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad ang presensya ng pinakamalaking barko ng Chinese Coast Guard sa bisinidad ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon kay Trinidad, na monitor ng Phil. Navy ang naturang barko kaninang umaga na nasa distansyang 50 milya mula sa Bajo de Masinloc.
Sinabi ni Trinidad na magkakaroon ng “appropriate response” ang Pilipinas sa lebel ng National Task Force for the West Phil. Sea (NTF-WPS) at Phil. Coast Guard.
Ang Chinese Coast Guard Vessel na may bow number 5901 ang sinasabing pinakamaking Coast Guard Vessel sa buong mundo na may sukat na 165 metro.
Samantala, sinabi ni Trinidad na patuloy na nangangalap ng “corroborating report” ang Philippine Navy tungkol sa inisyal na napaulat na “pipe installation” sa Bajo de Masinloc.
Sa ngayon aniya ay itinuturing ang naturang ulat na “unverified or unsubstantiated”. | ulat ni Leo Sarne