Tinawag na “fake news” ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga kumakalat na balita sa social media hinggil sa umano’y planong pagtatapyas sa benepisyo ng mga pulis.
Partikular na tinukoy ng PNP chief ang patungkol sa planong pagbabawas sa rice subsidy gayundin sa mga nakukuhang Combat Incentive Pay (CIP) at Combat Duty Pay (CDP) na ibinibigay sa mga pulis.
Sa lingguhang flag raising ceremony sa Kampo Crame kaninang umaga, sinabi ng PNP Chief na wala itong katotohanan at sa halip ay kanilang tinatrabaho ngayon ang pagbibigay ng angkop na benepisyo sa mga pulis.
Aniya, sa pamamagitan ng pagpapaigting sa benepisyo ng mga pulis ay mas mahihikayat ang mga ito na pagbutihin ang kanilang trabaho.
Una nang binilinan ng PNP chief ang mga tauhan nito na gawing prayoridad ang pagbibigay serbisyo sa kanilang nasasakupan upang matiyak na ligtas ang mga ito sa ilalim ng Bagong Pilipinas. | ulat ni Jaymark Dagala