Ibinalita ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang nakatakdang ipamahagi ng ahensya ang aabot sa ₱8 milyon na ayuda para sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa Visayas.
Ito ang naging pahayag ng Kalihim sa ginanap na Bagong Pilipinas Town Hall Meeting kahapon, May 24, sa Cebu City na layuning suportahan ang mga lokal na negosyo doon.
Bahagi rin umano ito ng pagsisikap ng DTI na palakasin ang mga komunidad at pasiglahin ang ekonomiya.
Sa nasabing kaganapan din ay namahagi ang ahensya ng mga business kit mula sa Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program, pagbibigay ng mga approved loan appilication na nasa ilalim naman ng RISE UP program, at pag-award ng mga deed of donation para sa paglipat ng pagmamay-ari ng Shared Service Facilities sa mga MSME beneficiary ng Visayas.
Ang Bagong Pilipinas town hall meetings ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong ilapit ang mga programa at serbisyo ng gobyerno sa buong bansa. | ulat ni EJ Lazaro