Naaresto kagabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa General Santos City ang 3 indibidual na gumagamit ng pangalan ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil para makapanloko.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director PMGen Leo Franciso na dalawa sa mga naaresto, na hindi muna isinapubliko ang pangalan ay mula sa Pasig at 1 ang mula sa Batangas.
Kasalukuyang iniimbestigahan kung paano nakarating sa General Santos City ang 3, pero sinabi ng CIDG na posibleng may mga nabiktima sa labas ng Mindanao at maging sa Metro Manila ang mga suspek.
Ayon kay Francisco, maliban sa pangalan ng PNP Chief, maging ang kanyang pangalan at iba pang government officials ay ginagamit din ng mga suspek para makakuha ng protection money sa illegal gambling.
Umaabot na umano sa 2.5 milyong piso ang nakukulimbat ng 3 sa kanilang mga biktima.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong “extortion”. | ulat ni Leo Sarne