Na nutralisa ng mga tropa ng 59th Infantry “Protector” Battalion (59IB) ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ang 3 teroristang komunista sa enkwentro sa Tuy, Batangas.
Ayon sa militar, nagsasagawa ng Security operation sa Barangay Acle noong araw ng Linggo ang mga tropa nang bigla silang paputukan ng kalaban na nagresulta sa 10 minutong palitan ng putok.
Sinundan ito ng pangalawang bakbakan sa barangay ng Bolboc, matapos tugisin ng tropa ang papatakas na mga teroristang komunista.
Nasawi sa pakikipaglaban sa mga tropa ang 2 lalake at isang babaeng miyembro ng NPA habang wala namang naitalang casualty sa panig ng gobyerno.
Narekober naman ng tropa sa lugar ang isang M16, isang Uzi rifle, isang R4 rifle, at improvised hand grenade.
Nagpaabot naman ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing NPA member si 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong, kasabay ng paghimok sa mga nalalabing miymebro ng teroristang grupo na sumuko na at magbagong-buhay sa tulong ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of 2ID