Kasunod ng pinalawak na implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program, karagdagang 3,000 mga estudyante ang sumailalim sa pagsasanay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DSWD, nasa 3,881 na pawang mga 2nd-4th college student-beneficiaries mula sa piling state universities and colleges (SUCs) at local government-run universities ang sumalang na sa capacity building para maging tutors o kaya ay youth development workers.
Nagsimula na ring mamahagi ang ahensya ng kits sa mga ito kabilang ang teaching tools at resources gaya ng metacards, chalks at markers
Matapos ang pilot testing, pinapalawak na ng DSWD ang programa sa iba pang rehiyon kabilang ang Central Luzon, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at SOCCSKSARGEN.
Target na matulungan dito ang nasa 85,213 elementary learners, kasama ang kanilang mga magulang at guardians, gayundin ang 8,522 tutors, at 1,768 YDWs.
Sa ilalim ng Tara, Basa! Tutoring program, makakatanggap ng cash for work ang mapipiling college students kapalit ng pagiging tutor sa mga batang nahihirapang magbasa o youth development worker na magsasanay sa mga magulang na maging Nanay-Tatay Tutor sa kanilang mga anak sa bahay.
Layon nitong tulungan ang mga kabataan na nasa elementarya na matuto at bumilis sa kanilang pagbabasa ay isa sa recalibrated educational assistance ng ahensya. | ulat ni Merry Ann Bastasa