Matagumpay na nakapagtapos ang 33 drug reformists mula sa Brgy. Begang matapos makumpleto ng mga ito ang 20 modules ng Community Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) sa Lungsod ng Isabela de Basilan kamakailan.
Iginawad sa mga nagsipagtapos mula sa nasabing programa ang Certificate of Completion bilang pagkilala para sa kanilang dedikasyon at katatagan na mamuhay na malayo mula sa banta ng droga.
Ibinahagi naman ng mga resource person sa naturang seremonya ang nagpapatuloy na support systems para sa 33 drug reformists tulad ng social services, counseling, at job placement programs para masiguro na maayos ang pagbalik ng mga ito sa lipunan.
Ang pagtatapos ng mga naturang indibidwal ay nagsisilbing patunay na mabisa ang community-based approaches sa pagtugon sa isyu ng drug abuse at kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholders.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Isabela sa pamamagitan ng Isabela City Anti-Drug Abuse Council, na susuportahan ang mga naturang inisyatiba at sisiguruhin na patuloy na makakakuha ng suporta mula sa kanila ang na-rehabilitate na mga indibidwal. | ulat ni Justin Bulanon, Radyo Pilipinas Zamboanga
📷 Isabela City Anti-Drug Abuse Council