May niluluto nang hakbang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan kaugnay ng napipintong pagpapatupad ng “fishing ban” ng China sa mga inaangkin nitong teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr subalit hindi niya muna ito idinetalye upang hindi mapaghandaan ng China.
Ayon sa AFP Chief, kasama nila rito ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba pang ahensya kasama ang mga mangingisdang tiyak na tatamaan ang kabuhayan sa ipatutupad na ban ng China.
Nakatakdang ipatupad ng China ang fishing ban sa South China Sea, kabilang na ang mga inaangkin nitong teritoryo sa West Philippine Sea simula June 15 na tatagal hanggang Setyembre.
Una nang kinondena ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang hakbang na ito ng China at igiiit na ang hakbang ay lalo lamang makapagpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Magugunitang kamakailan lamang, ipinakita ng China ang pagiging marahas at mapanghamon nito nang tangkaing sagkaan ang mapayapang Rotation & Re-supply (RoRe) mission nito sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at itapon ang mga supply na dapat sa mga sundalong nakahimpil doon. | ulat ni Jaymark Dagala