Nananatili ang pangako ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tiyakin ang kaligtasan ng bansa at ng mga Pilipino mula sa anumang banta.
Ito ang tugon ng AFP kasunod na rin ng atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa mga sundalo na maghanda sa anumang external threat.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag makaraang bisitahin nito ang 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela kung saan siya nagsagawa ng talk to the troops.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla, ito aniya ang kanilang mandato at hindi sila bibitiw sa kanilang pangako.
Kahapon, ini-ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may ilang uniporme ng People’s Liberation Army (PLA) ng China ang nakita sa sinalakay nilang “scam-hub” sa Porac, Pampanga.
Pero ayon kay Padilla, bagaman seryoso ang naturang impormasyon, posibleng ginagamit lamang ng mga tsino sa naturang scam-hub ang mga naturang uniporme bilang props.
Kaya naman puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PAOCC gayundin sa PNP kaya’t walang dapat ikabahala rito ang publiko. | ulat ni Jaymark Dagala