Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon ng Chinese State Media na nanutok umano ng baril ang mga sundalo sa BRP Sierra Madre nang lumapit ang Chinese Coast Guard (CCG) sa lugar.
Sa isang kalatas, binigyang diin ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na ang mga tropa ng AFP na nagbabantay sa BRP Sierra Madre ay propesyonal at disiplinado, at nagpakita ng “restraint” sa pagganap ng kanilang misyon na pangalagaan ang soberenya at karapatan ng Pilipinas.
Giit pa ni Trinidad, striktong sumusunod sa Rules of Engagement ang mga tropa, at nakita silang naka-bantay sa BRP Sierra Madre dahil sa “provocative Action” ng China.
Paliwanag ni Trinidad, kailangan talagang maging alerto ang mga tropa kung may mga lumabag sa “safe distance protocol” at lumapit sa masyadong mapanganib na distansiya sa BRP Sierra Madre.
Tiniyak ni Trinidad ang commitment ng AFP sa kapayapaan at stabilidad sa Rehiyon, kasabay ng paghahayag na ang anumang banta sa kapayapaan at kaligtasan ng mga tropa ay tatapatan ng kaukulang aksyon. | ulat ni Leo Sarne