Malalimang pagsisiyasat ang isinasagawa ng Bureau of Immigration para malaman kung paano nakapasok ang isang babaeng Chinese nang walang record ang kawanihan.
Ito ay matapos pigilan ang paglabas ng bansa ng 23 anyos na dayuhan sa NAIA T3 noong June 15.
Blangko pa rin ang BI kung paano pumasok sa bansa ang Chinese national gayung walang tatak ng kawanihan o arrival stamp ang pasaporte nito at nang hanapin ang records ay wala rin silang makita.
Ayon kay BI Comm Norman Tansingco, ipinahahalukay na niya kung saan, kailan at paano nakapasok ang dayuhan sa bansa nang hindi dumaraan sa inspeksyon ng kawanihan.
Nais din niyang matukoy kung sino ang may pananagutan sa nasabing insidente.
Nasa BI facility ang babae para ipadeport kasabay ng ginagawang imbestigasyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco