Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng coconut seedling sa Tagum City at Digos sa Davao Region.
Sa distribusyon ng presidential assistance at iba pang tulong ng national government sa mga pinaka-apektado ng El Niño sa Digos, sinabi ng pangulo na nasa higit P3-M halaga ng pataba at coconut seedling ang ipinamahagi ng pamahalaan ngayong hapon.
Sa ilalim aniya ito ng Coconut Hybridization Project.
Sa Tagum City naman, namahagi ang pamahalaan ng mga sisidlan at pataba sa ilalim ng Coconut Fertilization project.
Narito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos…
“Hangad din natin na mai-angat ang kalakalan ng niyugan sa inyong probinsya, kaya po nagbibigay po tayo ng maraming sisidlan at pataba na bahagi ng ating coconut fertilization project.” -Pangulong Marcos.
Bukod dito, namahagi rin ng kabuang Php36.71 million na halaga ng post-harvest facility, equipment, at iba pang farm materials ang administrasyon sa Digos.
Nakatanggap rin ng Php20 million na halaga ng presidential assistance ang provincial government ng Davao del Sur, at Php10 million para sa Davao Occidental.
Sabi ni Pangulong Marcos, batid ng pamahalaan ang hirap na dinadanas ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa El Niño, kaya’t nakaalalay ang pamahalaan sa mga ito.
Kaninang umaga, una na ring nagkaloob ng tig-Php10 million ang Malacañang sa provincial government ng Davao del Norte, Davao de Oro, at Davao Oriental. | ulat ni Racquel Bayan