Umapela ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa mga namimili sa Kadiwa Store na huwag namang magpabalik-balik sa bentahan ng murang bigas para makabili ng sobra-sobrang suplay.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kaya mayroong inilabas na prayoridad lamang na makabili sa Kadiwa dahil nais ng pamahalaan na makinabang ang mas maraming vulnerable sector sa programa.
Sa ngayon, isinasapinal naman na aniya ng DA ang guidelines sa “Bigas 29” para maiwasan na ang mga bumibili ng sobra sa limit at gayundin ang mga nandadaya at humihiram lamang ng id para makapasok na benepisyaryo.
Sa ilalim ng “Bigas 29” program, hanggang 10 kilo lang kada buwan ang maaaring bilhin ng mga benepisyaryo.
Paliwanag ni Asec. De Mesa, nakadisenyo ang “Bigas 29” na supplemental option sa mga mahihirap na pamilya para mabawasan ang kanilang gastusin.
Target naman ng DA na ilabas ang pinal na mechanics para sa “Bigas 29” bago ang rollout nito sa darating na Hulyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa