Agarang sinibak sa pwesto ang dalawang duty custodial officer ng San Jose Del Monte Police Station matapos matakasan ng 8 preso kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Police Master Sergeant Rod Pating, imbestigador sa kaso, kasalukuyang nasa admin holding facility ng SJDM police ang 2 pulis na ang ranggo ay isang Police Master Sergeant at Police Senior Master Sergeant habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Sa kasalukuyan , 4 mula sa 8 preso na ang naibalik sa kulungan, kung saan dalawa sa mga ito ay may kasong may kinalaman sa iligal na droga, isa ang may kasong robbery, at isa ay may kasong arson.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng pulisya para mahuli ang natitirang apat na preso.
Nagawang makatakas ng mga ito mula sa selda 4 ng SJDM Police sa pamamagitan ng pagsira o pag lagari ng steel bar o bakal sa harang ng binatana sa comfort room.
Sinabi ni Pating, iniimbestigahan pa kung paano naipasok ang lagaring ginamit sa pagtakas. | ulat ni Leo Sarne