Nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa 106 na pamilyang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa Isla, Barangay Batis sa San Juan City.
Tumanggap ang bawat pamilya ng tig-₱15,000 sa ilalim ng Integrated Disaster Assistance Program Phase 1 ng ahensya.
Ayon kay DHSUD Undersecretary Randy Escolango, ang San Juan City ang kauna-unahang naging benepisyaryo ng programang ito sa buong bansa.
Samantala, ibinahagi rin ni Mayor Zamora ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program, kung saan magtatayo ng prefabricated homes para sa mga biktima habang hindi pa natatapos ang kanilang permanenteng pabahay.
Hinikayat din niya ang mga kwalipikadong pamilya na mag-apply sa programa.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa DHSUD sa kanilang suporta, mula sa tulong pinansyal, hanggang sa pagtatayo ng mga pansamantalang tahanan at permanenteng pabahay. | ulat ni Diane Lear