Nakatakdang dinggin sa darating na June 20 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng National Capital Region (RTWPB-NCR) ang mungkahing pagtaas ng minimum wage sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng petisyon na inihain noong Mayo 24 ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) na humihiling ng ₱597 na pagtaas sa pang-araw-araw na minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa NCR.
Sa kasalukuyan, ang minimum na pang-araw-araw na sahod sa Metro Manila ay pumapatak ng ₱610 para sa mga non-agricultural worker at ₱573 para sa mga nasa sektor ng agrikultura at mga maliliit na establisyimento.
Inaanyayahan naman ng RTWPB-NCR ang mga stakeholder, kasama ang mga employer at labor group na lumahok at magsumite ng kanilang mga posisyon bago mag-Hunyo 18 para sa isasagawang public hearing sa June 20.
Sinasabing tugon rin umano ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan na magkaroon ng regular na pagsusuri sa sahod ng mga manggagawa upang mabawasan ang mga pag-aalinlangan at masiguro ang pagiging patas nito sa lahat ng stakeholders. | ulat ni EJ Lazaro