Itinatayo na sa Misamis Oriental ang housing project ng Department of Human Settlements and Urban Development sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Personal nang ininspeksyon ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, at ilang DHSUD at Social Housing Finance Corporation official, ang Valley View Township sa Barangay Sta. Ana, sa bayan ng Tagoloan.
Binubuo ang proyekto ng ilang 12-story buildings na may commercial shops at makikinabang dito ang higit 10,000 pamilya.
Sa ilalim ng 4PH program, itinataguyod ni Acuzar ang paglalaan ng malaking open spaces para sa mga parke, palaruan at iba pang karaniwang amenities.
Sa kanyang pagbisita sa Mindanao, ininspeksyon din ng DHSUD chief ang pangalawang 4PH project na kasalukuyang ginagawa sa Tagoloan.| ulat ni Rey Ferrer