Pansamantalang isasara ang ilang mga kalsada sa lungsod ng Maynila sa darating na June 12 para sa pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan.
Mula 6 AM hanggang 10 AM, isasara ang Roxas Boulevard mula T.M. Kalaw hanggang P. Burgos, habang ang T.M. Kalaw ay isasara rin Westbound mula Ma. Orosa hanggang Roxas Boulevard.
Mula 1 PM hanggang 10 PM, isasara ang Roxas Boulevard mula UN Avenue hanggang P. Burgos Avenue, pati na rin ang magkabilang panig ng T.M. Kalaw, P. Burgos Avenue, at Bonifacio Drive mula Anda Circle hanggang P. Burgos Avenue.
Ang pagsasara ng mga nasabing kalsada ay kasabay ng mga kaganapan na isasagawa sa Rizal Park at sa Quirino Grandstand mula June 10 hanggang June 12.
Pinapayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta tulad ng Quirino Avenue o United Nations Avenue patungong Taft Avenue.
Para sa mga trak, ang mga alternatibong ruta ay kinabibilangan ng South Luzon Expressway at Osmeña Highway.
Ayon sa MMDA, magpapakalat sila ng 1,156 enforcers na magmamanman, kasama ang mga ambulansya at iba pang emergency vehicles sa panahong ito. | ulat ni EJ Lazaro