Hindi isinasantabi ng Ilocos Sur Police ang posibilidad na may mga pakete na rin ng shabu na nakalusot sa kalupaan.
Ito’y matapos matagpuan ang ika-apat na batch ng “floating shabu” sa karagatang sakop ng Ilocos Sur, na sa kabuuan ay umabot na sa 80 pakete.
Ayon kay Ilocos Sur Provincial Director PCol Darnell Dulnuan, alinsunod sa utos ni PNP Chief PGeneral Rommel Marbil, naglatag na sila ng mas maraming checkpoint at pinagting ang kanilang police visibility.
Maliban sa pangontra sa krimen, umaasa silang sa pamamagitan nito ay kanilang mahaharang ang posibleng pagkalat ng shabu sa kalupaan.
Sa ngayon, patuloy ang paggalugad ng Ilocos Sur Police sa karagatan para hanapin pa ang mga nalalabing shabu na posibleng naiwan pa at palutang-lutang.
Katuwang din nila ang PNP maritime group sa operasyon. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of Ilocos Sur PPO