Ibinunyag ni National Police Commission (Napolcom) Vice Chairperson at Executive Officer, Alberto Bernardo ang pinakakalat ngayong smear campaign ang laban sa kanya.
Suspetya ng opisyal, pinondohan ito ng tinatawag na “narco cops,” o ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dati nang kinasuhan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga.
Sa liham na ipinadala ng opisyal kay DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., noong June 13, 2024, sinabi ni Bernardo na ang mga kumakalat na ‘disinformation’ laban sa kanya ay naglalayong siraan at dungisan ang kanyang pangalan at patalsikin siya sa ahensya.
Tinukoy nito ang ‘poison letters’ na pakana umano ng ilang PNP officials na sangkot sa iligal na droga.
“It has to be underscored that the issues raised above reported were the subject of poison letters that have been instigated by the PNP Officials involved in illegal drugs. Said poison letters were sent to Office of the President, COA main office and, different news correspondents who published the same and other parties interested to oust the undersigned,” sinabi ni Bernardo kay Abalos.
Bukod sa “poison letters,” naging paksa rin umano si Bernardo ng mga naunang ulat na nagsasabing siya ay nag-file ng optional retirement sa Government Service Insurance System (GSIS) sa edad na 64 nang hindi ipinaalam sa Office of the SILG. Gayundin, inakusahan siya ng hindi pagpapaubaya sa posisyon ng Commissioner at Vice Chairperson at Executive Officer (VCEO) ng Napolcom sa kabila ng kanyang pagreretiro at gayundin ang malaking gastos sa pagkain na di umano’y hindi sumusunod sa mga naaangkop na COA Circulars.
Naniniwala si Bernardo na sinadya at malisyoso ang mga paulit ulit na paglalathala at pagiisyu sa kanya.
Giit nito, ginawa ang mga paninira para mapilitan itong lisanin o isuko ang kanyang posisyon bilang Commissioner at VCEO.
“Further, the undersigned wanted to point out that these same issues which were already settled with COA arose again during the time of deliberation of the administrative cases being handled by the NAPOLCOM and the filing of criminal complaints with the DOJ against PNP officers and members involved in the 990 kilos of shabu,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon kay Bernardo, ang kanyang trabaho sa ahensya ay nagdulot din ng banta sa kanyang buhay dahil sa pagsunod nito sa Presidential Directive No. PBBM-2024-83521 tungkol sa naudlot na pagbili ng Body Worn Camera (BWC) na nagkakahalaga ng P860-M.
Kasunod nito, nilinaw ni Bernardo hindi siya nagretiro sa serbisyo kundi piniling hindi ipagpatuloy ang kanyang pagiging miyembro sa GSIS.
Ipinaliwanag din ni Bernardo na hindi siya nag-claim ng kanyang terminal leave benefits dahil wala siyang intensyon na tapusin ang kanyang trabaho o wakasan ang kanyang termino.
Sa alegasyon namang nagkaroon siya ng malaking gastos sa pagkain na di umano’y hindi sumusunod sa mga COA Circulars, ito ay maayos na aniyang natugunan at nalutas na sa COA. | ulat ni Merry Ann Bastasa