Timbog sa operasyon ng National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division ang magkapatid na babaeng sangkot sa sexual exploitation.
Sa pulong balitaan ni NBI Director Jaime Santiago, labing isang taong gulang na babae ang biktima na anak ng isa sa mga suspek.
Limang taong gulang pa lang umano ang biktima nang sinimulan na abusuhin ito at ibenta ang malaswang larawan at video nito sa halagang P25,000 sa ilang mga dayuhang parokyano.
Ayon kay Atty. Olga Angustia-Gonzales, Chief, Human Trafficking Division, nag-ugat ang operasyon sa impormasyon mula sa isang non-government organization.
Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek ay ang paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Anti-Online Sexual Abuse at Special Protection of Children Against Abuse Law. | ulat ni Merry Ann Bastasa