Magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno ng mahigit sa 11,000 tauhan para magkaloob ng seguridad sa Araw ng Kalayaan.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, na katuwang ng PNP sa paglalatag ng seguridad ang Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Fajardo, ang pwersang ito ay hindi lamang para magbantay sa mga aktibidad sa Metro Manila kung hindi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tampok sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Miyerkules ay ang gagawing programa sa Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Maynila.
Dagdag ni Fajardo, maaaring magkaroon ng adjustment sa dami ng ikakalat na personnel dapende sa mapag-uusapan sa gagawing pagpupulong. | ulat ni Leo Sarne