Pansamantala nang nadaraanan, partikular na ng mga maliliit na sasakyan, ang bahagi ng Marcos Highway sa Brgy. Sta. Cruz sa Antipolo City.
Ito’y matapos mabutas ang naturang kalsada bunsod ng nasirang drainage culvert ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nabatid na nagbara ang isang drainage sa ilalim at posibleng hindi nakadaloy ang tubig na siyang nagpalambot sa lupa na nagresulta ng pagkabutas ng kalsada.
Bago gumuho ang lupa sa Marcos Highway ay una nang napansin ng mga residente sa lugar ang “deformity” ng kalsada kung saan nagdulot na rin ng aksidente sa ilang motor rider.
Pasado alas-7 kagabi nang matapos ang paglalagay ng steel plate sa malaking guho at tinanggal na rin ang mga harang na inilagay dito noong weekend.
Ayon naman sa Antipolo City LGU, sisimulan na mamayang gabi ng DPWH ang pagsesemento sa bahaging iyon ng kalsada upang maibalik na sa normal ang daloy ng mga sasakyan dito. | ulat ni Jaymark Dagala