Kumpiyansa si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na maisasakatuparan ng Marcos Jr. administration ang hangarin nito na maipamahagi ang lahat ng titulo ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa 2028.
Ito aniya ay dahil na rin sa episyente at pinabilis na pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) at e-titles ng pamahalaan, bagay na magpapasigla sa sektor ng agrikultura at magpapabago sa buhay ng mga Pilipinong magsasaka.
Kinilala din ng mambabatas ang pag-suporta ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III sa layunin ng administrasyon na mapabuti ang kalagayan ng mga agrarian reform beneficiaries at paunlarin ang rural sector.
Paraan din aniya ito upang mahikayat ang mga anak ng mga magsasaka na ipagpatuloy ang pagsasaka.
“Given the accelerated issuance of CLOAs and e-titles to CARP beneficiaries on his watch, we are hopeful that our President and the DAR can finally complete the CARP by the time Mr. Marcos leaves Malacañan Palace in 2028. As aptly pointed out by the President, the distribution of CLOAs or e-titles is key to poverty reduction in the countryside because it will open opportunities for ARBs to improve their lives while remaining as farmers—and hopefully encourage their children and their children’s children to continue tilling their lands for the good of Philippine agriculture,” sabi ni Villafuerte
Target ng Marcos Jr. administration na makapamahagi ng 60,000 CLOA ngayong taon.
Mula Enero hanggang Mayo ay 30,000 land titles na ang naipagkaloob sa mga ARB. | ulat ni Kathleen Jean Forbes