Tinuligsa ng Philippine Navy bilang iligal, mapagbanta, agresibo at mapanlinlang ang isinagawang ehersisyo ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay Phil. Navy Spokesperson for the West Phil. Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, ang pagsasanay ay hindi kinoordinate sa pamahalaan ng Pilipinas; gayunman, mahigpit na nag-monitor ang Philippine Navy.
Iniulat ni Trinidad na kasama sa ehersisyo ang isang landing ship, isang barkong pandigma, at dalawang support vessel ng China.
Nagsagawa aniya ang mga ito ng helicopter at hovercraft operations sa bisinidad ng Sabina Shoal noong Hunyo 2 hanggang 4.
Ayon kay Trinidad, hindi nakaka-alarma ang ginawa ng China, gayunman, kanyang binigyang diin na walang “business” ang China na magsagawa ng pagsasanay sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa. | ulat ni Leo Sarne