Uusad na muli ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa Chinese national na naaresto ng PNP-CIDG dahil sa hinihinalang espiya sa Makati City isang buwan na ang nakalilipas.
Ito’y matapos maglabas ang Quezon City Regional Trial Court Branch 90 ng Warrant to Examine Computer Data para sa digital forensic examination sa mga high-tech na gamit ng naturang Chinese.
Sa panayam kay CIDG NCR Chief, PCol. Joel Ana, nai-turn over na kahapon ng CIDG sa Anti-Cybercrime Group ang mga gamit na subject ng warrant.
Kinakailangan kasi nila itong ipatupad agad agad dahil 10 araw lang ang validity nito.
Kasama sa mga gamit na pinasusuri ng CIDG sa ACG ang mga cellphone, antenna system, radio receiver/transmitter, router, aerial drone, pati na ang tablet at laptop ng Chinese.
Nabatid na naantala ang digital forensic examination sa naturang mga gamit dahil Warrant to Disclose Computer Data at hindi Warrant to Examine ang inilabas ng Makati RTC Branch 148 kaya kinailangan pa ng CIDG na mag apply nito sa ibang korte.
`
Kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ng CIDG sa loob ng Camp Crame ang Chinese na nahuli pero inaayos na rin ang paglilipat nito sa PNP Custodial Facility. | ulat ni Jaymark Dagala