Pormal na iniharap ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr ang 4 na Pulis na naaresto matapos masangkot sa pagdukot sa 4 na Chinese national sa Pasay City noong June 2.
Kasama ng Kalihim sina Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr gayundin ang mga opisyal ng PNP-AKG, SPD at Pasay City Police Office.
Kinilala ang mga suspek na sina PMaj. Christel Carlo Villanueva, PSMSgt. Angelito David, PSMSgt. Ricky Tabora at PSSgt. Ralph Tumanguil.
Ayon kay Abalos, 2 sa mga naarestong Pulis ay pawang nakatalaga sa NCRPO Headquarters habang ang 1 ay traffic enforcer ng Makati City Police habang ang 1 ay tauhan ng Pasay City Police.
Batay sa ulat, binabagtas ng mga biktima sakay ng isang luxury vehicle ang kahabaan ng Taft Avenue nang parahin sila ng mga Pulis dahil sa umano’y traffic violation.
Subalit agad pinosasan ang mga biktimang Chinese at dinala sa ibang lugar kung saan sila ikinulong.
Nanghingi ng ransom ang mga suspek sa pamilya ng mga biktima kapalit ang kanilang kalayaan.
Nakatakas ang 2 sa mga biktima at nanghini ng tulong sa mga awtoridad habang ang nalalabing 2 ay pinalaya matapos makapagbigay ng ransom.
Sa ngayon, nahaharap ang mga pulis sa reklamong kidnapping at robbery and serious illegal detention. | ulat ni Jaymark Dagala