Pinaigting pa ng National Authority for Child Care (NACC) ang pakikipagtulungan nito sa Philippine National Police para tuluyan nang masawata ang bentahan ng bata online.
Ayon kay NACC Usec. Janella Estrada, nakipagpulong na ito sa hanay ng PNP Cybercrime Investigation and Coordinating Center para matutukan ang mga nagkalat na facebook pages na naglalako ng bata.
Ito ay habang hinihintay pa ng NACC ang tugon ng facebook META sa kanilang hiling na matanggal o mashut down ang mga naturang fb pages.
Kaugnay nito, iniulat naman ng NACC na nabawasan na ang mga FB pages na nagaalok ng illegal adoption.
Mula sa dating 23 pages, bumaba na ang bilang nito sa 7 ngayon dahil may mga nadeactivate na rin aniya ang CICC.
Muli namang nanawagan ang NACC sa publiko na huwag makibahagi o suportahan ang bentahan ng bata – online man o pisikal.
Ito ay kasunod ng panibagong entrapment ops ng NACC at PNP kung saan nailigtas sa tangkang pagbebenta ang dalawang batang biktima sa Catarman, Northern Samar
Patuloy ring pinalalakas ng NACC ang pagpapatupad ng legal na proseso ng pagaampon na pinasimple, pinadali at hindi magastos. | ulat ni Merry Ann Bastasa