Bilang komemorasyon sa ika-5 taong anibersaryo ng pagpanaw ng batikang aktor na si Eddie Garcia, itinutulak ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na magawaran ito ng ‘National Artist Award’.
Sa kaniyang House Resolution 1769, hinihiling sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) na gawaran ng posthumous award si Garcia.
“As we commemorate the beautiful and meaningful life of Manoy Eddie, it is only fitting that we confer to him the National Artist Award that he truly deserves. Noon pa dapat ito naigawad sa kanya, at hindi na dapat ito pinagdedebatehan pa,” sabi ni Lee.
Para sa mambabatas, nararapat lang na kilalanin bilang National Artist ang kapwa niya Bicolanong aktor dahil sa malaking ambag nito sa Philippine arts partikular sa Film and Broadcasting o Broadcast Arts.
Tinukoy pa nito ang mga natatanging sining ni Garcia na nakakuha ng magkakasunod na pagkilala mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS).
Dagdag ni Lee, institusyon na maituturing si Garcia sa larangan ng pelikulang Pilipino, mapa-komedya man, action o drama, serye man sa telebisyon o sa pelikula, bilang aktor at director.
“He served as a beacon of Filipino artistry which paved the way for other artists to pursue the arts and craft more stories that could last generations…“Ang pagbibigay ng nararapat na pagpupugay kay Manoy Eddie ay hindi lang pagkilala sa kanyang husay at obra, kundi magsisilbi ring inspirasyon sa iba pang mga artista sa pagpapabuti ng kanilang propesyon at talento na nagpapakilala sa husay ng mga Pilipino, hindi lang sa bansa, kundi maging sa buong mundo,” ani Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes