Nakatakdang magpulong ang National Law Enforcement Coordinating Committee (NLEC) para talakayin ang mga usaping bumabalot sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, posibleng ngayong linggong ito o di kaya’y sa susunod na linggo.
Aniya, layon nito na lumulutang kasi ang problema sa POGO kung saan, nadidiskubre ang iligal na operasyon nito sa tuwing magkakasa sila ng operasyon na may kinalaman sa Human Trafficking.
Kasunod nito, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. na kailangan muna nilang makipag-ugnayan sa PAGCOR sa sandaling may naaamoy silang iregularidad sa isang POGO.
Maliban sa PNP, miyembro rin ng naturang Komite ang National Intelligence and Coordinating Agency (NICA), National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP). | ulat ni Jaymark Dagala