Nakatakda nang magpatayo ng 100 housing units ang National Housing Authority (NHA) para sa informal settler families sa Pantukan, Davao de Oro.
Ipinagkaloob na ng NHA ang Php 15 Million initial tranche ng Php 25 Million pondo para sa konstruksyon ng Bag-ong Pantukan Village.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, target ng ahensya na mabigyan ng tahanan ang bawat pamilyang Pilipino alinsunod sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing [4PH] Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang BP Village ay nasa ilalim ng Resettlement Assistance Program ng NHA sa mga Local Government Units (RAP-LGU), na naglalayong magbigay ng financial at technical assistance sa mga LGU sa pagpapatupad ng kanilang mga programa at pabahay.
Ang 4.4-hectare housing site ay matatagpuan sa Brgy. Kingking sa bayan ng Pantukan.| ulat ni Rey Ferrer