Binilinan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na gawin ang lahat para matiyak na mapayapa ang mid-term elections sa susunod na taon.
Ang direktiba ay ibinigay ng Pangulo sa idinaos na Command Conference sa Camp Crame kahapon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, intasan ng Pangulo ang PNP na paigtingin ang pag-disarma at pagbuwag sa mga Private Armed Group (PAG), at palakasin ang intelligence gathering, at pagkumpiska ng mga ilegal na armas bilang paghahanda sa eleksyon.
Pinatututukoy din aniya ng Pangulo sa PNP ang mga potential hotspot sa darating na eleksyon para masiguro ang maayos na maisagawa ang halalan.
Bukod dito, binigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng maagang paglalatag ng security preparations para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, at sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa susunod na buwan. | ulat ni Leo Sarne