Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamimigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda, na naapektuhan ng El Niño phenomenon sa Western Visayas at Central Visayas.
Personal na ipinamahagi ni Pangulong Marcos kasama ang ilang national government agencies ang farm machinery at equipment, post-harvest kits, bio-fertilizers, hybrid seeds, fiber reinforced plastic boats at iba pang tulong para sa mga magsasaka, at mangingisda.
Sa parte naman ng DSWD, nagpamahagi ito ng tig P10,000 para sa mga piling benepisyaryo ng Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program.
Ito ay ipinamahagi sa tatlong lugar kabilang ang University of Negros Occidental – Recoletos Bacolod City; Binirayan Sports Complex San Jose De Buenavista, Antique; at Lamberto Macias Sports and Cultural Centre, Dumaguete City, Negros Oriental.
Aabot sa halos 10,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng AKAP assistance mula sa DSWD. | ulat ni Diane Lear