Makikipag-coordinate ang Phippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para kontrahin ang pangangalap ng pondo mula sa ilegal na droga para sa eleksyon.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil matapos wasakin ng PDEA ang 9.1 bilyong pisong halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa mga nakalipas na buwan sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite ngayong araw.
Ayon sa PNP Chief, “open secret” na nangangailangan ng malaking pondo ang ilang sektor sa panahon ng halalan, kaya susundan nila ang illegal drug trail para mahuli ang malalaking personalidad.
Alinsunod aniya ito sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutukan ang mga sindikato at High-profile drug personalities sa pagsasagawa ng agresibong Anti-drug Operations.
Ayon sa PNP Chief, ang pagtutok sa mga malalaking isda ang dahilan ng magandang resulta ng Anti-drug Campaign, kaya nais ng Pangulo na gawing “quarterly” sa halip na kada 6 na buwan ang “evaluation” ng kampanya. | ulat ni Leo Sarne