Nakatakdang buksan ngayong araw ang pinakamalaking solar-powered irrigation pump (SPIP) ng National Irrigation Administration (NIA) sa buong bansa, kasabay ng pagbisita ni Pres. Ferdinand R. Marcos, Jr. sa lalawigan ng Isabela.
Pangungunahan ng Pangulo ang inagurasyon ng P65.7 Million na halaga ng SPIP na matatagpuan sa Barangay Cabaruan, sa bayan ng Quirino.
Ang Cabaruan SPIP na nakaangkla sa infrastructure program ng pamahalaan na “Build-Better-More” ay kabilang sa Infrastructure Flagship project ng NIA, partikular na ang pagtatatag ng Groundwater Pump Irrigation Project.
Ayon kay NIA-Magat River Integrated Irrigation System Department Manager Engr. Gileu Michael Dimoloy, kaya nitong makapagpatubig sa 350 ektaryang palayan na inaasahang makakatulong sa hindi bababa sa 237 magsasaka sa naturang bayan.
Ang kakaiba pa sa SPIP na ito umano sa rehiyon ay mayroon itong 1,056 solar panels.
Samantala, kasabay nito ay ang mass acceptance ng iba pang mga nakumpletong SPIP ng NIA Region II para sa taong 2023 hanggang sa kasalukuyan.
Ang aktibidad ay susundan ng pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda, at kanilang pamilya sa lungsod ng Ilagan.
Ayon kay DSWD Region 2 Director Lucia Alan, aabot sa humigit-kumulang 5,000 magsasaka at mangingisda ang inaasahang mapagkakalooban ng naturang ayuda na silang labis na naapektuhan ng naranasang El Niño phenomenon sa lalawigan.| ulat ni April Racho| RP1 Tuguegarao