Mariing kinondena ng National Security Council (NSC) at ng National Task Force for the West Philippine Sea ang pinakabagong insidente ng marahas at mapanganib na aksyon ng China.
Ito’y kasunod ng pinakabagong Rotation at Re-supply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS) kahapon ng umaga.
Ayon sa Task Force, sa kabila ng ginawang pagbangga at paghila ng mga barko ng People’s Liberation Army (PLA), China Coat Guard (CCG) at ng Chinese Maritime Militia, ipinakita ng mga Pilipino ang pagiging propeyunal nito at iniwasang palalain ang tensyon.
Gayunman, sinabi ng Task Force na inilagay ng China sa balag ng alanganin ang mga Sundalong Pilipino na isang malinaw na paglabag sa United Nations Charter, UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Kasunod nito, sinabi ng Task Force na mananatili ang pangako ng Pilipinas para sa mapayapa at responsableng hakbang na alinsunod sa itinatakda ng International Law at umaasa silang tatalima rito ang China.
Hindi anila titigil ang AFP at ang Coast Guard ng Pilipinas na igiit ang soberanya ng Pilipinas gayundin ang karapatan nito sa naturang karagatan. | ulat ni Jaymark Dagala